Ang Wireless Emergency Alerts system ay isang mahalagang bahagi ng kahandaan sa emergency ng America. Mula nang ilunsad ito noong 2012, nagamit na ang WEA system higit pa sa 70,000 beses upang balaan ang publiko tungkol sa mapanganib na lagay ng panahon, nawawalang mga bata, at iba pang kritikal na sitwasyon – lahat ng iyon sa pamamagitan ng mga alertong compatible sa mga cell phone at iba pang mobile device.
Ang WEA ay isang system sa pampublikong kaligtasan na nagbibigay-daan sa mga customer na makatanggap sa kanilang mga partikular na wireless na telepono at iba pang compatible na mobile device ng mga mensaheng parang text message at naka-target sa heograpikong lugar, na nag-aalerto sa kanila sa mga nakaambang panganib sa kanilang lugar.
Nagiging daan ang WEA upang ma-target ng mga opisyal ng pamahalaan ang mga alerto sa emergency sa mga partikular na lugar – halimbawa, sa lower Manhattan.
Naitatag ang WEA noong 2008 alinsunod sa Warning, Alert and Response Network (WARN) Act at nagsimulang patakbuhin noong 2012.
Nagbolutaryo ang mga wireless company na lumahok sa WEA, na naging resulta ng natatanging pampubliko/pribadong partnership sa pagitan ng FCC, FEMA, at wireless industry upang mapaigting ang pampublikong kaligtasan.
Mga FAQ tungkol sa WEA
Paano gumagana ang WEA?
Maaaring magpadala ang mga awtorisadong kinatawan ng bansa, estado, o lokal na pamahalaan ng mga alerto ukol sa mga emergency sa pampublikong kaligtasan – gaya ng mga kautusan sa paglikas o shelter-in-place dahil sa malubhang lagay ng panahon, banta ng terorismo, o pagtagas ng kemikal – gamit ang WEA.
Ipinapadala ang mga alerto mula sa mga napatunayang opsiyal ng pampublikong kaligtasan sa pamamagitan ng Integrated Public Alert and Warning System (IPAWS) ng FEMA sa mga kalahok na wireless carrier, na nagpapadala ng mga alerto sa mga mobile device sa apektadong lugar.
Sino ang nakakatanggap ng mga alerto?
Ang mga alerto ay broadcast sa heograpikong lugar na apektado ng isang emerhensiya. Ibig sabihin nito na kung naipadala ang isang alerto sa isang lugar sa New York, ang mga WEA-capable na mobile device sa lugar na ito ay makakatanggap ng alerto, kahit na naka-roaming o bumibisita ang mga ito mula sa ibang estado. Sa ibang salita, makakatanggap ng mga alerto sa New York ang isang kostumer na bumibisita mula sa Chicago basta may WEA-enabled na mobile device ito sa lugar ng alerto.
Magkano ang ibinabayad ng mga consumer upang makatanggap ng WEA?
Libre ang mga alerto. Hindi nagbabayad ang mga customer upang makatanggap ng WEA.
Kailangan bang mag-sign up ng mga consumer upang makatanggap ng mga alerto?
Hindi kailangang mag-sign up ng mga consumer para sa serbisyong ito. Nagiging daan ang WEA upang makapagpadala ang mga opisyal ng pamahalaan ng mga emergency na alerto sa lahat ng subscriber na mga WEA-capable device kung kalahok ang kanilang wireless carrier sa programa.
Anong mga alerto ang ihinahatid ng WEA?
Saklaw lang ng mga alerto ng WEA ang mga mahahalagang sitwasyong pang-emergency. Apat na uri ng alerto lang ang maaaring matanggap ng mga consumer:
- Mga pambansang alerto na ibinigay ng Pangulo ng United States o ng Administrator ng FEMA
- Mga alertong kaugnay ng napipintong banta sa kaligtasan o buhay
- Mga Amber Alert tungkol sa nawawalang bata
- Mga alertong nagsasaad ng mga rekomendasyon para sa paglitas ng buhay at ari-arian
Puwedeng payagan ng mga kalahok na carrier na i-block ng mga subscriber ang lahat maliban sa Mga pambansang alerto.
Ano ang nararanasan ng mga consumer kapag nakakatanggap sila ng WEA?
May lalabas na alerto ng WEA sa screen ng handset ng tatanggap bilang mensaheng tulad ng text. Ihinahatid ang alerto sa pamamagitan ng natatanging signal at vibration ng atensyon, na partikular na nakakatulong sa mga taong may kapansanang nauugnay sa pandinig o paningin.
Matatanggap ba ng mga consumer ang mga WEA sa isang prepaid phone?
Oo. Makakatanggap ang mga consumer na may mga prepaid phone ng mga WEA hangga’t napagpasyahan ng kanilang provider na lumahok sa WEA at may WEA-enabled device ang customer. Matatanggap ng mga consumer na ito ang mga alerto gaya ng nararanasan ng mga customer na may buwanang serbisyo ng postpaid.
Sinusubaybayan ba ng WEA ang aking lokasyon?
Hindi. Hindi idinisenyo ang WEA upang subaybayan – at hindi nito sinusubaybayan – ang lokasyon ng sinumang nakakatanggap ng alerto ng WEA.
Mga text message ba ang mga WEA?
Hindi. Pinili ng maraming provider na i-transmit ang mga WEA gamit ang teknolohiyang nakahiwalay at naiiba sa mga voice call at SMS text message.
Kailangan ba ng mga consumer ng mga bagong telepono o smart phone upang makatanggap ng mga alerto?
Maaaring kailanganin lang ng ilang telepono ang mga upgrade sa software upang makatanggap ng mga alerto, samantalang sa ibang pagkakataon, maaaring kailanganin ng subscriber na bumili ng bagong WEA-capable device. Dapat makipag-ugnayan ang mga consumer sa kanilang wireless carrier tungkol sa availability ng mga WEA-capable handset.
Available ba ang WEA kahit saan?
Laganap ang paglahok sa WEA ng mga wireless carrier ngunit boluntaryo ito. Maaaring mag-alok ang ilang carrier ng WEA sa lahat o sa mga bahagi ng kanilang lugar na pinagseserbisyuhan o sa lahat o sa iilan lang sa kanilang mga wireless device. Maaaring hindi inaalok ng iba pang carrier ang WEA. Kahit na mayroon kang WEA-enabled device, hindi ka makakatanggap ng mga WEA sa isang lugar na pinagseserbisyuhan kung saan hindi nag-aalok ng WEA ang provider o kung naka-roaming ang iyong device sa isang provider network na hindi sinusuportahan ng serbisyo ng WEA. Dapat makipag-ugnayan ang mga consumer sa kanilang mga wireless carrier upang malaman kung hanggang saan ang iniaalok ng WEA.
Puwede bang i-block ng mga consumer ang mga WEA?
Bahagya. Puwedeng mag-alok ang mga kalahok na wireless carrier sa mga subscriber na may mga WEA-capable na handset ng kakayahang mag-block ng mga alertong nauugnay sa mga napipintong banta sa kaligtasan o buhay at/o Mga AMBER Alert. Hindi maba-block ng mga consumer ang Mga pambansang alerto.
Bakit hindi puwedeng i-block ng mga consumer ang Mga pambansang alerto?
Sa pagpasa sa WARN Act, pinayagan ng Kongreso ang mga kalahok na wireless carrier na ialok sa mga subscriber ang kakayahang i-block ang lahat ng WEA maliban sa Mga pambansang alerto.
Paano malalaman ng mga subscriber na nag-aalok ang kanilang carrier ng WEA?
Inaatasan ng FCC ang lahat ng wireless carrier na hindi lumalahok sa WEA na abisuhan ang mga customer. Dapat makipag-ugnayan ang mga consumer sa kanilang mga wireless carrier upang malaman kung hanggang saan ang iniaalok ng WEA.
Kakatanggap lang ng kaibigan ko ng WEA sa kanyang cell phone, pero wala akong natanggap. Nasa iisang lokasyon kami. Bakit hindi ako nakatanggap ng WEA?
Para makatanggap ng mensahe ng WEA, nakakatanggap dapat ng WEA ang handset mo, dapat ay naka-on ito, at dapat ay nasa lugar ito na may cell tower at nakakasagap ito ng serbisyo mula sa isang cell tower ng wireless carrier na nakikibahagi sa WEA.
May ilang kalahok na carrier na maaaring nag-aalok ng WEA sa ilan sa kanilang mga mobile device, ngunit hindi sa lahat. Dapat alamin ng mga consumer sa kanilang mga wireless carrier kung may kakayahang makatanggap ng WEA ang kanilang cell phone.
Gaano katumpay ayon sa heograpiya ang WEA?
Patuloy na humuhusay ang katumpakan sa heograpiya ng WEA. Noong inilunsad ang programang WEA, sa pangkalahatan, iniaatas sa mga kalahok na wireless provider na ipadala ang mga alerto sa isang heograpikong lugar na hindi mas malaki sa county o mga county na apektado ng emergency. Susunod, sa simula ng 2017, iniatas sa mga kalahok na wireless provider na mag-transmit ng mga alerto sa isang heograpikong lugar na may pinakamalapit na pagtataya sa lugar na apektado ng emergency, kahit na mas maliit ito sa isang county. Ngayon, simula Disyembre 2019, mas dapat na i-target ng mga kalahok na wireless provider ayon sa heograpiko ang mga alerto sa mga teleponong compatible sa teknolohiya: dapat nilang ihatid ang mga alerto sa lugar na tinukoy ng pinagmulan ng alerto nang hindi hihigit sa 1/10 ng isang milyang overshoot.
Umaasa ang "pinahusay na geotargeting" na ito sa bagong teknolohiya ng smartphone at mas magiging malawakang available kasabay ng pag-upgrade ng mga consumer sa kanilang mga device. Tinataya ng CTIA, isang U.S. wireless association, na 60 porsyento ng mga smartphone ng mga consumer ang may suporta sa pagpapahusay na ito sa 2022, na isang pagtaas mula sa 34 na porsyento noong 2021 at 18 porsyento noong 2020. Ang mga WEA-compatible na telepono na walang suporta sa pinahusay na geotargeting ay makakatanggap pa rin ng mga alerto batay sa mga kinakailangan sa heograpikong lugar ng 2017.
Ano ang papel ng FCC sa WEA?
Sinusunod ng FCC ang WARN Act upang magpatupad ng mga kinakailangan sa teknikal at pagpapatakbo para sa serbisyo ng WEA. Dapat sumunod ang mga wireless carrier sa mga panuntunan ng WEA ng FCC.
Nagpapadala ba ng mga alerto ang FCC?
Hindi, hindi nagpapadala ng mga alerto ang FCC. Kabilang sa mga originator ng alerto ng WEA ang mga pederal na ahensya (gaya ng National Weather Service) at mga awtoridad ng estado at lokal na pamahalaan. Ipinapadala ang mga alerto mula sa mga pinatunayang opisyal ng pampublikong kaligtasan sa pamamagitan ng IPAWS system ng FEMA sa mga kalahok na wireless carrier.
Bakit ako nakatanggap ng pansubok na mensahe ng WEA?
May ilang lokal na pamahalaan na sinusubukan ang WEA upang masuri kung paano ito gumagana sa kanilang mga hurisdiksyon. Simula sa Mayo 2019, dapat isagawa ang mga pang-estado at lokal na pagsubok sa WEA batay sa pag-opt in ng consumer, ibig sabihin, mga consumer lang na sasali sa mga pagsubok ang dapat makatanggap ng mga pansubok na mensahe.
Makakatulong ang pana-panahong pagsubok ng mga pampublikong system ng pagbibigay ng alerto at babala na masuri ang kahandaan sa operasyon ng imprastrakturang nag-aalerto at matukoy ang anumang kinakailangang pagpapahusay sa teknolohiya at pangangasiwa.
Kanino ako makikipag-ugnayan kung may mga tanong ako tungkol sa kung paano gumagana ang WEA sa aking wireless device?
Para sa mga tanong tungkol sa kung paano gumagana ang WEA sa mga partikular na device, makipag-ugnayan sa iyong wireless provider. Halimbawa, maaaring magkakaiba ang paraan upang i-on at i-off ang mga opsyonal na alerto sa WEA. (Inirerekomenda ng FCC na panatilihing naka-on ang mga alertong ito na maaaring makasagip ng buhay.)
Mga Kahilingan para sa Alternatibong Format
Maaaring humiling ang mga taong may kapansanan sa paningin ng mga bersyon sa braille, may malaking print, o magagamit sa screen-reader ng artikulong ito sa pamamagitan ng anyong email sa fcc504@fcc.gov (sa English). Para sa audio at iba pang access, gamitin ang link na "I-explore ang Mga Opsyon sa Accessibility."
Help Center ng Consumer
Matuto tungkol sa mga isyu ng consumer - bisitahin ang Help Center ng Consumer ng FCC sa fcc.gov/consumers. Nasa wikang Ingles ang web page)
Maghain ng Reklamo sa FCC
Pumunta sa aming Center sa Pagrereklamo ng Consumer sa consumercomplaints.fcc.gov (nasa wikang Ingles ang web page) upang maghain ng reklamo o sabihin sa amin ang nangyari sa iyo.